Wala pa ring pagbabago sa kalagayan sa trabaho ng mga health worker para maprotektahan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang inihayag ni Filipino Nurses United (FNU) President Maristela Abenojar kung saan marami pa aniyang nurse ang nagta-trabaho ng 12-hour shift at tumutugon sa mga pangangailangan ng hanggang sa 12 pasyente.
Ani Abenojar, ganito na ang kalagayan ng mga nurse noon pang Pebrero kung saan nagsisimula pa lamang dumami ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa at hanggang sa ngayon ay wala na itong naging pagbabago.
Bukod pa sa hindi maayos na kalagayan sa kanilang lugar-paggawa, napipilitan na ring bumili ng sariling personal protective equipment ang ilan sa mga nurse dahil sa kakulangan nito ng suplay sa kanilang pinagta-trabahuhan.
Ibinunyag pa ni Abenojar na ilan sa mga ospital ay hindi na pinatatapos ang 14-day quarantine ng kanilang medical staff at pinababalik agad ang mga ito sa trabaho matapos lamang ang isang linggo.