Nagpalabas ng bagong projection ang UP experts kaugnay sa magiging kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pagsapit ng August 1.
Ayon kay UP Los Baños assistant Professor Darwin Bandoy papalo sa average na 76,000k ang kaso ng COVID-19 hanggang sa unang araw ng Agosto dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng virus kada araw.
Inihalintulad ni Bandoy ang sitwasyon ng Pilipinas sa Amerika na nangunguna pa rin sa mga bansang nakapagtatala ng pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa buong mundo.
Gayunman sinabi ni Bandoy na bahagyang bumaba ang case fatality rate na naitatala na mula sa 6% ay nasa 2% na lamang na nangangahulugang nag improve ang health care system ng bansa.
Nakikita naman aniya nila ang muling pagtaas ng positivity rate na ang itinuturong dahilan ay muling pagbubukas ng ekonomiya ng Pilipinas at community transmission.
Inihayag pa ni Bandoy na saka lamang malalamang kumokonti na ang bilang ng nagkakasakit sa sandaling bumaba na rin ang positivity rate at kapag tumaas ang bilang ay maikokonekta ito sa expanded testing na ginagawa ng Department of Health.