Hinihingan ng kumpletong report ng Department of Health (DOH) ang Bureau of Corrections (BuCor) hinggil sa naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa New Bilibid Prison (NBP).
Kasunod na rin ito ng pagkamatay ng ilang mga high profile inmates sa nbp dahil sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, may natanggap na silang inisyal na report mula sa BuCor kaugnay ng bilang ng kaso at mga nasawi dahil sa COVID-19 sa NBP.
Gayunman, sinabi ni Vergeire, wala pa ang kumpletong impormasyon tulad ng pangalan at pagkakakilanlan ng mga inmates na nagkasakit at nasawi dahil sa COVID-19.
Una nang kinumpirma ng BuCor ang pagkasawi ng dalawampu’t isang inmates ng nbp dahil sa COVID-19.
Ito ay matapos namang lumabas ang ulat na kabilang ang high profile inmate na si Jaybee Sebastian sa namatay dahil sa COVID-19 at agad na na-cremate ang labi nito.