Nanawagan ng malalimang imbestigasyon ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) kaugay sa biglaang pagkamatay ng ilang high profile inmates sa National Bilibid Prison (NBP) dahil umano sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay IBP President Domingo Egon Cayosa, kanilang sinusuportahan ang mga isinusulong na imbestigasyon kaugnay sa naturang insidente upang mabigyang linaw ang bumabalot na kontrobersiya.
Ani Cayosa, dapat na matiyak ang bawat detalye sa nangyari sa mga umano’y nasawing bilanggo sa NBP.
Giit ni Cayosa, kung mabibigyan lamang ng hindi otorisadong pribilihiyo ang naturang mga high profile inmates o sila ay nakapagpapatuloy pa rin sa kanilang mga ilegal na gawain sa loob ng NBP o di naman kaya ay nakalalaya, maituturing umano itong isang pagtatraydor sa taumbayan at malalagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga mambabatas at abogado na naglaan ng kanilang oras at pagod sa imbestigasyon ng kasong kinasangkutan ng mga ito.
Ipinunto rin ni Cayosa ang maling paggamit ng data privacy law para hindi maibigay ang detalye ng pagkamatay ng high profile inmate na si Jaybee Sebastian.