Posibleng pumalo sa 90,000 ang kabuuang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas sa katapusan ng Hulyo.
Batay ito sa pagtaya ng isang eksperto mula sa University of the Philippines (UP) kung saan maaari pa itong umakyat sa 140,000 kaso sa katapusan naman ng Agosto.
Ayon kay UP-OCTA research group member at Mathematics Professor Dr. Guido David, kanilang binago ang nauna nilang projection na 85,000 kaso sa pagtatapos ng Hulyo.
Bunsod na rin aniya ito ng patuloy na pagtaas ng naitatalang mga kaso partikular na sa National Capital Region (NCR) at kumakalat na rin sa katabing rehiyon tulad ng CALABARZON.
Sinabi ni David, sa ngayon ang nakikitaan ng pagbaba sa naitatalang kaso at unti-unting pag-flatten ng ‘curve’ ay ang Cebu City matapos itong isailalim muli sa enhanced community quarantine.
Batay sa pinakahuling tala ng Department of Health, umabot na mahigit sa 80,000 ang kabuuang bilang ng COVID-19 case sa bansa.