Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) ang buong suporta sa lokal na produksyon ng mga pangunahing pangangailangan ng bawat Filipino kabilang na ang mga produktong agrikultural.
Ito ang inihayag ni Agriculture Secretary William Dar bilang tugon sa pangamba ng grupo ng mga magsasaka sa ipinatutupad na polisiya ng pamahalaan sa pag-aangkat sa ibang bansa.
Ayon kay Dar, hindi niya nais na i-angkat ang lahat ng pangunahing pangangailangan sa bansa kundi gawin itong oportunidad bilang pinakahuling takbuhan para makapagdagdag ng suplay sa bansa.
Paliwanag ni Dar, layunin aniya nitong maabot ang 100 porsyento ng katatagan at seguridad sa suplay ng pagkain sa bansa.
Magugunitang, nananawagan ang grupong United Broilers Raisers Association (UBRA) sa DA na pansamantalang ipatigil ang importasyon ng manok sa bansa para mabawasan ang kumpetisyon sa mga local farmers.
Sinabi rin ng UBRA na inirekomenda umano ng Bureau of Animal Industry paglimita sa produksyon ng mga local poultry raisers na itinanggi na rin ng DA.