Nagpahayag ng buong suporta ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maibalik ang parusang kamatayan sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Ayon kay PDEA Chief Director General Wilkins Villanueva, naging paborable sa mga drug trafficker o pusher ang kawalan ng parusang kamatayan sa bansa.
Sinabi ni Villanueva, nakahahanap pa rin ng paraan ang mga convicted high profile inmates para magkaroon ng komunikasyon sa labas ng kulungan.
Sa katunayan aniya ay ilang mga transaksyon sa iligal na droga na isinagawa ng mga nakakulong na high profile inmates ang kanilang naharang.
Gayunman, iminungkahi ni Villanueva na dapat nakabatay sa dami o bigat ng mga nakumpiskang iligal na droga mula sa mga salarin ang pagpapataw ng parusang kamatayan.
Nararapat lamang aniyang mga big-time drug traffickers ang maging target ng dealth penalty sa pamamagitan ng lethal injection at hindi mga maliliit na drug pushers sa lansangan.