Pumalo na sa kabuuang 33 ang bilang ng mga kawani ng Kamara ang dinadapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y makaraang maitala ang 2 panibagong kaso ng nakamamatay na virus.
Sa pahayag ni House Secretary General Atty. Jose Luis Montales, ang naunang bagong kaso ng COVID-19 ay kabilang sa hanay ng security staff ng Kongreso.
Dagdag pa ni Atty. Montales, unang nagpositibo sa virus ang naturang security staff makaraang isailalim ito sa rapid test para sa sona at nakumpirma ito dahil sa ginawang pcr test.
Habang ang ikalawang bagong kaso naman ng COVID-19, ay nakatalaga sa administrative department ng Kongreso.
Isinailalim ito sa COVID-19 test nitong aprimero ng agosto matapos na dumaing ng panunuyo at pananakit ng lalamunan na pawang mga sintomas ng nakamamatay na virus.
Samantala, agad namang ipinag-utos ang pagsasagawa ng contact tracing para sa mga nakasalamuha ng mga empleyadong nag-positibo sa COVID-19.