Binalaan ng think tank group na Pinoy Aksyon ang pamahalaan na huwag iasa sa China ang pagkakaroon ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Pinoy Aksyon Chairperson Bencryus Ellorin, noong Hulyo lamang ay mayroong P250-milyong halaga ng depektibong personal protective equipments (PPEs), face mask at iba pang medical equipment na mula sa China ang nasabat ng Bureau of Customs.
Ani Ellorin, kung hindi kaya ng pamahalaan ng China na mapigilan ang mga ilegal na gumagawa at nagbebenta ng depektibong medical supplies, hindi rin aniya malayong may gumawa ng pekeng bakuna kontra COVID-19 at ibenta ito sa mga Pilipino.
Magugunitang ilang beses na inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang tiwala na madidiskubre din ng China ang bakuna kontra COVID-19.