Inabisuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na iwasan na ma-misinterpret ang mga impormasyon na nanggagaling sa mga matataas na opisyal ng gobyerno.
Ito’y matapos aminin ng DOH na nahihirapan silang linisin o ituwid ang mga maling impormasyong ipinakakalat ng iba dahil sa maling intindi ng mga ito.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, noong una pa man ay isang malaking pagsubok na ang kanilang trabaho kaya naman mahirap magtuwid ng mga maling impormasyon na kumakalat.
Ani Vergeire, isa talagang malaking pagsubok ang paghahayag ng tamang impormasyon sa publiko lalo na sa panahon ngayon na maraming tao ang nais gawing isyu ang iba’t-ibang pahayag.
Magugunitang nilinaw ng DOH na hindi ligtas gamitin ang gasolina bilang disinfection matapos dalawang beses sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaari itong gamitin para i-disinfect ang mga face mask.