Hindi magiging kawalan sa panig ng Senado ang kabiguan ng dalawang opisyal ng Philippine Health Insurance Commission (PhilHealth) na dumalo sa pagpapatuloy ng pagdinig hinggil sa katiwalian sa ahensiya.
Ito ang inihayag ni Senador Panfilo Lacson matapos magsumite nina PhilHealth president Ricardo Morales at ECP-COO Arnel De Jesus ng kopya ng kanilang medical certificate kay Senate President Vicente Sotto III.
Ayon kay Lacson, mas mawawalan aniya ng pagkakataon ang dalawag opisyal na tumugon sa mga bagong isyu na ilalabas ng mga bagong resource persons ng Senado laban sa kanila.
Ang magiging epekto nito, sa PhilHealth… It’s their loss. Ang alam ko, may mga bagong sasabihin ang mga resource persons. Tapos may bago kaming documents na medyo incriminating. So kung di nila ito masasagot during the hearing, kaya sinasabi ko di kawalan ng Senado yan. Of course kawalan din namin kasi isang side lang marinig namin. Pero mas kawalan nila yan kasi hindi nila masasagot,” ani Senator Panfilo Lacson sa panayam ng DWIZ.
Gayundin aniya sa mga hawak na doumento ng Senado na nagdadawit sa dalawang opisyal sa ilang mga usapin.
Sa kabila nito, sinabi ni Lacson na kaisa siya ng pamilya ni Morales sa taos pusong pagdarasal upang malagpasan nito ang kinahaharap na cancer.
Ikinalulungot rin ani Lacson na lumabas ang mga bagong isyu ng kurapsyon sa PhilHealth sa panahong nasa pinakamahinang kondisyon ng kanyang kalusugan si Morales.