Umakyat na sa walo ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa nangyaring engkuwentro sa pagitan ng militar at ng New People’s Army (NPA) sa Candon City, Ilocos Sur.
Ito’y ayon sa AFP Northern Luzon Command (NOLCOM) ay makaraang makarekober ang lima pang bangkay ng mga nasawing rebelde bukod sa dalawang labi na una nang narekober kahapon.
Nangyari ang bakbakan pasado alas -2 ng hapon ng Sabado, Agosto a-8 sa bahagi ng Barangay Suagayan.
Nagpapatrulya lamang ang mga sundalo mula sa Army’s 702nd infantry brigade nang makatanggap ng sumbong mula sa mga residente sa lugar hinggil sa presensya ng mga rebelde.
Nabatid na pinamumunuan ng isang alyas Nero mula sa komiteng larangang Gerilya – South Ilocos ang mga nakabakbakang rebelde ng military.
Maliban sa mga naitalang bilang ng nasawi sa bakbakan, may limang sundalo pa ang nasugatan at kasalukuyan nang nagpapagaling sa pagamutan.
Kasunod ng insidente, kagyat na ipinag-utos ni NOLCOM commander Lt/Gen. Ramiro Manuel Rey ang pagpapa-igting sa seguridad at operasyon ng militar sa lugar.