Ikinatuwa ng medical frontliners ang pagtugon sa kanilang kahilingang “time out” dahil sa patuloy na pagdami ng pasyenteng dinadapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Philippine Medical Association (PMA) President Jose Santiago, bagama’t hindi pa ramdam ang pagluwag sa mga ospital, malaking tulong na rin ang dagdag na workforce.
Sinabi pa ni Santiago na maganda rin ang epekto ng ipinatupad na One Hospital Command Center dahil kailangang mabawasan ang pagtungo ng mga tao sa ospital o ibang health care facilities.
Samantala, sinabi naman ni Health Sec. Francisco Duque III na malaki ang nagawa ng hiling na time out ng mga medical frontliners.
Dahil aniya rito ay muling naisailalim ang Metro Manila at ilang karatig lalawigan sa modified enhanced community quarantine.
Naging mabilis na rin umano ngayon ang pagtugon sa kakulangan sa health care workers sa ibang probinsya habang nagpapatuloy ang emergency hiring.