Magsuot ng face mask sa loob ng mga tahanan, lalo na sa mga pamilyang hirap na mag-obserba ng social distancing sa loob ng bahay.
Ito ang naging payo ni Interior Secretary Eduardo Año kasunod na rin ng pahayag ni COVID-19 response chief implementer Secretary Carlito Galvez na bukod sa workplace ay maaari ring maikonsiderang critical areas para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga lugar kung saan nagkukumpulan ang mga tao.
Ani Año, maaari din aniyang magsuot ng face shield bukod pa sa face mask upang mapigilan ang pagkahawa sa COVID-19 lalo na aniya’t nasa bawat pamilya na ang transmission ng virus.
Hinikayat din ni Año ang publiko na magsuot ng face shield hindi lamang sa mga pampublikong transportasyon o mga sasakyan, kundi maging sa mga papmpublikong lugar gaya ng palengke, ospital at mga quarantine facilities.
Samantala, sa ngayon ay mayroon nang 129,913 kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 67,673 sa mga ito ang naka-recover na habang 2,270 ang mga nasawi.