Dalawa hanggang tatlong bilyong piso ang inilalabas na pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kada linggo na lantad sa kurapsyon.
Ito ang isiniwalat ni Presidential Anti-Corruption Commission, Commissioner (PACC) Greco Belgica sa kanyang pagharap sa pagpapatuloy ng pagdinig ng senado sa alegasyon ng malawakang kurapsyon sa PhilHealth.
Ayon kay Belgica, walang mekanismo sa pag-validate ang IT system na ginagamit ng PhilHealth kaya nagagawang mamanipula ng mga empleyado o ospital ang mga claims sa ahensiya.
Bunsod aniya ng malaking pondo na ipinalalabas, namimiligro ang PhilHealth na mabangkarote.
Sinabi ni Belgica, may ilang mga kumpanyang pagmamay-ari ng pamahalaan tulad ng Landbank, Development Bank of the Philippines at iba pa ang nag-alok na ng libreng external verification mechanism sa PhilHealth noon.
Gayunman, hindi aniya ito tinanggap ng PhilHealth dahil maaapektuhan ang kita ng mga tiwaling opisyal.
Dagdag ni Belgica, isang regional office ng PhilHealth ang nabigong magsampa ng umaabot sa 220 kaso ng fraud cases laban sa isang ospital na isang halimbawa ng pagsuway sa utos ng central office.
Dahil sa nakawan namimiligro tayo na mawalan ng pondo, paulit-ulit ang imbestigasyon pero walang nababago. Ang imbestigasyon at resulta nito ay dapat umabot sa ugat ng problema, hindi pwedeng ulo lang kailangan lahat hanggang baba makasuhan, maparusahan at mapalitan lahat. Dalawa lang ang kailangan nating tuunan ng pansin para mabago ang corrupt na sistema sa ngayon ang IT at ang legal system,” ani Belgica.