Nanawagan ang pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maging mapanuri hinggil sa nagkalat na mga social media pages at group na nagbabahagi ng mga pekeng impormasyon ukol sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan bilang ayuda sa nagpapatuloy na COVID-19 crisis.
Sa inilabas na kalatas ng DSWD, sinabi nito na maaaring ginagamit lamang ang mga naglipaan ng pekeng social media pages at groups para makakuha ng ilang mga personal na impormasyon sa mga kakagat dito na siya namang gagamitin ng mga online scammers sa pagnanakaw.
Bukod pa rito, pagdidiin ng DSWD, na sa mga lehitimong source, website, o mga verified accounts lamang ng pamahalaan tumingin ng update hinggil sa pamamahagi ng SAP at hindi sa kung anu-anong mga social media pages, maging ang paulit-ulit na kanilang paalala na huwag ipagbigay alam sa iba ang m-pin at one-time-password na ginagamit sa pag-claim ng naturang ayuda.
Dahil ditto ayon sa DSWD, mas paiigtingin pa nito ang ginagawang kampanya para magbigay alam sa publiko hinggil sa mga nauusong mga paraan ng pang-iiscam at kung papaanong makaiwas dito.