Naudlot ang pamamahagi ng libreng tablets para sa mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa Pasig City matapos madiskwalipika ang nanalong bidder para sa proyekto.
Ayon kay City Mayor Vico Sotto, ang RedDot Imaging Philippines, Inc. ay na-disqualify dahil ang brand ng gadget na inialok nila na Coby ay hindi kilala at hindi pangmatagalan na gamit para sa mga mag-aaral sa lungsod.
Sinasabing nag-alok ang kompanya ng mababang presyo ng tablets noong magkaroon ng live bidding subalit natuklasan na ang Coby Electronics Corporation na gumagawa ng nabanggit na gadgets ay nagsara noon pang 2013 matapos umanong malugi.
Nabatid na sinuri nang husto ng YugaTech ang inalok na produkto ng RedDot hanggang sa malaman na ang noong 2017 pa huling nag-post sa kanilang Facebook account ang Coby.
Giit ng Technical Working Group (TWG), mahalaga ang specifications ng items upang matukoy kung ito’y papasa sa requirements at angkop sa gadgets na kanilang hinahanap.
Samantala, naghain na ng motion for reconsideration ang RedDot at sinasabing naisumite na ito ng tanggapan ng alkalde.