Ikinadismaya ni Tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang patuloy na pagtaas sa kaso ng COVID-19 sa bansa bunsod ng mahinang contact tracing efforts.
Ayon kay Magalong, sa kanyang pag-iikot ay iisa lang ang kaniyang nakitang dahilan sa aniya’y kasalukuyang malungkot na sitwasyon sa bansa.
Sinabi ni magalong, napabayaan lamang ang pagsasagawa ng contact tracing sa mga municipal health offices.
Inihalimbawa ng alkalde ang sitwasyon sa Cavite kung saan may kakayahan lamang ang lalawigan na i-trace ang hanggang apat na close contact ng bawat isang nagpositibo sa COVID-19.
Gayung nasa 37 contacts aniya ang pinakamababang bilang ng dapat ma-trace sa kada positibong kaso mga lungsod o bayan.
Paliwanag ni Magalong, tinatayang nasa 1,600 indibiduwal kada araw ang posibleng infected sa sakit at patuloy na nakakapag-ikot sa iba’t ibang lugar sa probinsiya.