Nakarating na sa Joint Base Pearl Harbor sa Hawaii sa Estados Unidos ang bago at ang kauna-unahang missile-capable frigate ng Philippine Navy ang BRP Jose Rizal para lumahok sa Rim of the Pacific Exercise na nakatakdang magsimula sa August 17 hanggang sa katapusan ng buwan.
Ayon sa pamunuan ng Philippine Navy, habang papasok aniya sa Pearl Harbor ang sasakyang pandagat ng bansa, nagsagawa ito ng “manning the rail” at sumaludo ang mga tauhan nito sa USS Missouri at USS Arizona bilang pagpupugay sa mga namatay na bayani noong World War II.
Pero paliwanag ng Philippine Navy, bilang pagsunod sa mga umiiral ng health protocols kontra COVID-19, hindi pinapayagang makababa sa barko ang mga tauhan ng mga kalahok na bansa.
Kasabay ng pagdating ng BRP Jose Rizal, naging mainit ang pagtanggap dito ng mga opisyal ng ating konsulado roon.
Samantala, ayon kay Capt. Jerry Garrido ng BRP Jose Rizal, ipinagpapasalamat ng kanilang hanay ang ginawang pagtanggap ng ating konsulado roon, asahan din aniya na pagbubutihin nito ang pagkalap ng bagong ideya kaugnay ng isasagawang exercise ng iba’t-ibang bansa, na makatutulong sa pagpapalakas pa ng ating Philippine Navy.