Kabuuang 437 na mga lokal na opisyal at ilang sibilyan ang nahaharap sa reklamong kriminal dahil sa umano’y maanomalyang pamamahagi ng COVID-19 cash aid.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), sa bilang na ito, 203 ang mga elected officials na kinabibilangan ng isang alkalde, mga konsehal, at barangay officials; 102 na city at barangay personnel at iba pang local officials; at 132 na kasabwat na mga sibilyan.
Kabilang sa mga kinakaharap na kaso ng mga respondents ay ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Bayanihan Act.
Mas marami naman ang mga nakasuhan sa Region 12 (50) na sinundan ng Western Visayas (40), at Central Visayas (30).
Samantala, binigyang diin naman ni Interior Secretary Eduardo Año na sobrang nakakadismaya na nagawa pang mangurakot ng mga lokal na opisyal sa ayudang nakalaan para sa ating mga kababayan na lubhang apektado ng pandemya.
Giit ni Año, habang patuloy ang pangalawang yugto ng pamimigay ng Social Amelioration Program (SAP), puspusan naman ang pagsasampa ng kaso laban sa mga tiwaling mga opisyal at ng kanilang mga kasabwat.