Pinaghahandaan na ng Malacañang ang pagtatalaga ng mga bagong opisyal o officer-in-charge sa mga mababakanteng puwesto sa gobyerno.
Kasunod ito ng pagtakbo sa mas mataas na puwesto ang ilang mga miyembro ng gabinete at appointed officials gaya nina Justice Secretary Leila de Lima at TESDA Secretary General Joel Villanueva.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na pangunahing kunsiderasyon ng Palasyo ay matiyak ang pagpapatuloy ng serbisyo publiko at hindi dapat maantala ang trabaho dahil lamang sa kawalan ng pinuno ng ahensiya.
Tiniyak ni Coloma na gagawin ang nararapat na aksiyon subalit hindi masabi kung sino ang ipapalit na hahalili sa puwestong iiwanan nina de Lima at Villanueva.
By Rianne Briones | Aileen Taliping (Patrol 23)