Iginiit ng isang beteranong election lawyer na si Vice President Leni Robredo pa rin ang siyang magiging pangulo sakaling ideklara ang revolutionary government.
Ito sa gitna ng pagsusulong ng ilang grupo sa revolutionary government na pangungunahan di umano ni Pangulo Rodrigo Duterte.
Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, sakali aniyang mangyari nga ang pagdedeklara ng revolutionary government ay matatanggal ang pangulo bilang lider ng democratic government kung saan siya inihalal at piniroklama.
Dahil dito, idedeklarang bakante ang posisyon ng pangulo sa demokratikong gobyerno na siya namang sasaluhin ni Robredo bilang bise pangulo batay na rin sa isinasaad ng saligang batas.
Samantala, tinawag namang comforting note ni Macalintal na hindi pinaburan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at Philippine National Police (PNP) ang RevGov na isinusulong ng Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Committee.