Walang plano ang administrasyong Duterte na magpataw ng toll sa mga motoristang dadaan ng Edsa.
Ito ang iginiit ng Malakanyang ilang araw matapos ding itanggi ng Department of Transportation (DOTr) na isinusulong nila ang paglalagay ng toll gate sa nabanggit na pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, walang ganoong inisyatiba ang pamahalaang Duterte.
Sinabi ni Roque, kung totoo mang pinaplano ang pagpapataw ng toll sa Edsa ay posibleng mangyari ito sa susunod nang pangulo.
Una nang sinabi ng DOTr na bukas sila sa mga suhestiyon para sa pagpapahusay ng mobility at kaayusan sa pampublikong transportasyon gayunman hindi anila ito nangangahulugang awtomatiko nang ipatutuppad ang nabanggit na panukala.