Maaaring patawan ng parusa ang mga matutukoy na close contacts ng isang nagpositibo sa COVID-19 o nagpapakita ng sintomas, at tatangging sumailalim sa libreng swab test ng mga lokal na pamahalaan.
Ito ang inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire alinsunod na rin sa umiiral na Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Ayon kay Vergeire, bahagi ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) strategy ng Department of Health (DOH) ang pag-iikot sa mga barangay at pagbabahay-bahay ng kanilang team sa mga matutukoy na na-exposed sa COVID-19 patient at mga may sintomas.
Ani Vergeire, maaaring pagmultahin ng mula P20,000 hanggang P50,000 o makulong ng isa hanggang anim na buwan ang mga lalabag sa naturang batas.
Ipinabatid naman ni Vergeire sa lahat na kung pupuntahan sila ng LGUs sa kani-kanilang mga bahay para sumailalim sa swab test nangangahulugan itong natukoy sila bilang exposed o may sintomas.