Kumbinsido ang militar na Abu Sayyaf group ang siyang nasa likod ng nangyaring kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu kahapon.
Ayon kay M/Gen. Corleto Vinluan, commander ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command (WesMinCom), ito’y dahil sa napaulat na isang babaeng nakasuot ng burka o isang tradisyunal na pananamit ng mga Muslim ang lumapit sa mga awtoridad bago nangyari ang ikalawang pagsabog.
Tinututukan din nila ang grupo ni Mundi Sawadjaan na siyang nasa likod ng madugong pagpapasabog sa katedral ng Jolo noong isang taon na siya ring responsable sa panibagong pagpapasabog na ito.
Nanawagan naman si Vinluan sa mga residente ng Jolo na maging mapagmatyag at ipanalangin ang lahat ng mga naging biktima ng karumal-dumal na pag-atake ng mga terorista.
Sa panig naman ng Army’s 11th Infantry Division, sinabi sa DWIZ ng tagapagsalita nitong si Lt/Col. Rolando Mateo na naka-lockdown ngayon ang buong Jolo at mga karatig lugar nito habang nagpapatuloy ang clearing operations at pagsisiyasat sa lugar ng pagsabog.