Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nila susuportahan ang anumang tangkang baguhin ang sistema ng pamamahala sa bansa.
Ito’y kasunod na rin ng isinusulong na revolutionary government o ‘rev gov’ ng ilang grupong sumusuporta sa Administrasyong Duterte.
Ayon kay AFP Spokesman Marine M/Gen. Edgard Arevalo, malinaw sa bawat kawal sa ilalim ng AFP ang kanilang mandato na manatiling tapat sa watawat at saligang batas ng Republika ng Pilipinas.
Kaya naman naninindigan si AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay na patuloy nilang ipagtatanggol at ipaglalaban ang mga Pilipino bilang bahagi ng kanilang sinumpaang tungkulin.