Unti-unti na umanong bumubuti ang lagay ng Internet Speed sa bansa batay sa ulat ng Ookla Speedtest Global Index.
Ayon sa ulat, tumaas sa 25.07 Mbps noong July 2020 ang average download speed mula sa 7.44Mbps noong July 2016 o katumbas ng 216.94% na improvement para sa fixed broadband.
Ang average download speed naman para sa mobile broadband ay tumaas din ng 127.82% mula sa 7.91Mbps noong July 2016 at nakapagtala ng 16.95Mbps nitong Hulyo.
Magugunita na ang pagpapabuti sa internet speed sa bansa ay naging bahagi ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan kung saan nanawagan ito sa mga telco sa na pagbutihin ang serbisyon hanggang ngayong taon.
Pinapurihan naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga local government units (LGUs) at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa suporta para mabawasan ang permitting requirements at proseso sa pagtatayo ng cell towers.
Una nang sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na 1,502 mula sa 1,930 na pending applications para sa pagtatayo ng tower ngayong taon ang aprubado na ng LGUs.
Ang DITO Telecommunity na third telco player sa bansa ay kasalukuyan nang nagtatayo ng 1,300 na cell towers kung saan, 300 towers na nito ang operational.
Ayon sa DITO, bahagi ito ng kanilang pangako na makapaglaan ng 27Mbps sa 37% ng bansa at target nilang makapagtayo ng 2,000 pang towers ngayong taon.