Pumalag ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa SOGIE bill na naglalayong magbigay ng patas na pagtingin sa mga miyembro ng LGBTQIA+.
Ang naturang pagkontra sa panukala ay ipinabatid ng AFP sa kanilang position paper na isinumite naman sa committee on women and gender equality ng Kamara.
Paliwanag nila, alinsunod sa konstitusyon, protektado naman na ang nabanggit na sektor.
Magugunitang pumasa na sa Kamara ang SOGIE bill noong 17th congress, pero hindi ito tuluyang nakalusot dahil natigil naman ang counterpart bill nito sa mataas na kapulungan.
Giit din ng AFP, bukod sa konstitusyon, may labor code, civil code, at iba pa na nagbibigay pahalaga sa pantay na pagturing sa mga kasarian.
Pero ayon kay Bukidnon Congresswoman Maria Lourdes Acosta-Alba, hindi aniya ito magbibigay ng espesyal na pagtrato, sa halip ay ito ang magiging daan para mapigil ang ilang pagkutya at harrasment sa mga indibidwal na kabilang sa LGBTQIA+.