Nangako ang bagong talagang presidente ng PhilHealth na si Dante Gierran na kanyang ibabalik ang tiwala at kumpiyansa ng publiko sa ahensiya.
Sa isinagawang press briefing kasama si Pangulong Rodrigo Duterte kagabi, sinabi ni Gierran na nangilabot siya sa mga narinig hingil sa nakaaawang estado ng PhilHealth.
Batay na rin aniya ito sa mga isinagawang pagdinig at imbestigasyon ng Senado, House of Representatives at iba pang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan kaugnay ng alegasyon ng korapsyon sa ahensiya.
Ayon kay Gierran, hindi siya aatras sa kanyang misyon, bagama’t aminado siyang napakahirap ng iniatas sa kanyang bagong tungkulin.
Dagdag ni Gierran, sisikapin niyang makamit ang layuning mapabuti ang serbisyo ng PhilHealth sa mga Pilipino at matugunan ang napakatagal at malalim ng usapin ng korapsyon sa ahensiya.
Kasabay nito, pinasalamatan ni Gierran si Pangulong Duterte sa ibinigay na pribilehiyo sa kanya para makapaglingkod sa publiko gayundin sa mga natatanggap niya suporta para sa kanyang bagong tungkulin.