Ipinag-utos ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 74 ang pagpapalaya kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Si Pemberton ay nahatulan sa kasong pagpatay sa transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014.
Batay sa kautusang ipinalabas ni Olongapo RTC Branch 74 judge Roline Ginez-Jabalde, pinaboran nito ang partial motion for reconsideration na inihain ni Pemberton.
Nakasaad dito na napagsilbihan na raw kasi ni Pemberton ang hatol sa kaniya hanggang 10 taong pagkabilanggo.
Isinama sa computation ng kaniyang pagkabilanggo ang kaniyang preventive imprisonment, aktwal na service of sentence at ang nakuha niyang good conduct time allowance (GCTA).
Maliban dito, bayad na rin daw nang buo ni Pemberton ang danyos na higit P4.6-milyon na iniutos ng Korte Suprema para sa Pamilya Laude.