Nagpalabas na ng show cause order ang pamahalaang lungsod ng Maynila laban sa pasilidad na sinasabing pinagmulan ng nagkalat na gamit nang rapid test kit sa bahagi ng M. Dela Fuente Street sa Sampaloc.
Batay sa ulat ng Manila Public Information Office, natukoy na nagmula sa CP Diagnostics Center ang naturang mga gamit rapid test kits na hindi wastong naitapon.
Ayon kay Manila Bureau of Permits Officer-In-Charge Levi Facundo, kanilang binigyan ng 72 oras ang pamunuan ng CP Dianostics Center upang magpaliwanag.
Kaugnay ito sa posibleng naging paglabag ng pasilidad sa ecological waste management act of 2000 at toxic substances and hazardous and nuclear waste control act of 1990.
Una nang sinabi ng Department of Health na maaaring masuspinde o bawiin ang lisensiya ng mga health facilities na mapatutunayang hindi maayos ang kanilang pagtatapon ng mga waste materials.