Hindi sang-ayon si Senador Kiko Pangilinan sa plano ng ilang mambabatas sa Kamara na pagkalooban ng emergency power si Pangulong Rodrigo Duterte para maisaayos ang talamak na anomalya sa PhilHealth.
Ayon kay Pangilinan, hindi emergency power ang kasagutan para matuldukan ang paulit-ulit na anomalya sa ahensya.
Paliwanag ni Pangilinan, kung seryoso ang pamahalaan na linisin ang PhilHealth, at nais na maging mas epektibo ang laban nito kontra COVID-19, ay dapat lang ani Pangilinan na sibakin sa pwesto Health Secretary Francisco Duque III.
Bukod pa rito, nais ding pakasuhan ni Pangilinan ang mga taong nasa likod ng overpriced na testing kits at machines, gayundin ang pagpapanagot sa mafia sa PhilHealth na nagbulsa sa bilyon-bilyong pisong pondo ng ahensya.
Samantala, sa huli tanong ni Senador Pangilinan, bakit palpak pa rin ang pagtugon ng pamahalaan kontra COVID-19, gayong binigyan naman ng emergency power ang Pangulo. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)