Kinontra ng isang dating opisyal ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang panawagan ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na ipagpaliban ang kasalukuyang voter registration.
Ayon kay dating PPCRV National Chairperson Henrietta de Villa, hindi dapat i-postpone ang pagpaparehistro ng mga botante dahil importante ito sa electoral process habang hindi rin tiyak kung kailan matatapos ang pandemyang dulot ng COVID-19.
Una nang ipinanawagan ng ilang alkalde na dapat huwag munang ituloy ang voter registration hangga’t hindi pa nailalagay sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) ang rehiyon.
Ngunit giit ni De Villa, sapat na naman ang ipinatutupad na health safety measures ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga registration centers bilang bahagi ng pag-iingat laban sa coronavirus.