Inaresto ng mga awtoridad ang isang delivery app rider makaraang mahulihan ng high-grade na marijuana sa isang cargo warehouse sa NAIA nitong Biyernes, September 4.
Ayon kay Gerald Javier, Deputy Commander ng PDEA NAIA task group kontra iligal na droga, ang package ay nanggaling sa Canada na naunang dineklarang laruan ang laman.
Pero nang sinuri na ito at idaan sa x-ray machines, nabatid ng tauhan ng BOC na hindi laruan ang laman ng naturang package.
Bukod pa rito, natunugan na rin ito ng kawani ng K9 unit, kaya’t binuksan na ang naturang package.
Napag-alaman namang naglalaman ito ng nasa 500 gramo ng high grade marijuana o kush na may street value na higit 808,000.
Kasabay nito, nang kukunin na ng suspek ang naturang package, ay agad itong inaresto ng mga kawani ng pdea.
Paliwanag ng suspek, hindi niya alam ang laman ng package at inaming sa pamamagitan ng text message lamang ito pinakuha ng kanyang kliyente at hindi dumaan sa pagbu-book sa delivery app.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon hinggil sa pinanggalingan ng package at kung sino ang dapat na makakatanggap nito.