Malabo na umanong maisakatuparan ang mungkahing academic freeze para sa school year 2020 – 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.
Ito ang kapwa inihayag ng Department of Education (DepEd) at ng Coordinating Council of Private Educational Association (COCOPEA).
Ayon kay Education Usec. Tonisito Umali, mahigit sa 24 milyong mag-aaral na sa iba’t-ibang paaralan sa bansa ang nakapag-enroll na.
Sa panig naman ng COCOPEA, sinabi ni Atty. Joseph Noel Estrada, tiyak na mapagkakaitan ng pagkakataon para matuto ang mga estudyante kung ipipilit ang naturang panukala.
Ayon pa kay Atty. Estrada, hindi solusyon ang academic freeze dahil halos isang buong taon na hindi nakapag-aral ang mga kabataan kaya’t kailangan silang makahabol.
Magugunitang mula Agosto 24 ng taong ito, iniurong muli ng DepEd ang pagbubukas ng klase sa mga paaralan sa pamamagitan ng distance learning sa Oktubre 5.