Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyong humihiling na ipawalang-bisa ang batas na nagpalit ng pangalan ng Manila International Airport (MIA) bilang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Supreme Court Spokesman Brian Keith Hosaka, kulang sa merito ang nasabing petisyon na isinampa ni Atty. Larry Gadon.
Batay sa petisyon ni Gadon, labag ang Republic Act 6639 sa guidelines ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) kaugnay sa pagpapangalan sa mga lansangan, public schools, plaza, gusali, tulay at iba pang pampublikong imprastraktura.
Nakasaad sa naturang batas ang pagpapalit ng pangalan ng MIA sa NAIA noong 1987 o apat na taon matapos patayin sa tarmac ng airport si dating senador Benigno Ninoy Aquino, Jr. —ulat mula kay Bert Mozo