Nilinaw ng pamunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hindi beautification o pagpapaganda ang ginagawa ng ahensya sa Manila Bay.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ng tagapagsalita ng DENR na si Undersecretary Benny Antiporda, rehabilitasyon aniya sa Manila Bay ang kanilang ginagawa para hindi na ito mapuno ng basura sa tuwing may dadaang bagyo.
I’d rather say that this is a rehabilitation… Alam naman natin na noong mga ilang taong nakalipas, tuwing babagyo, sumasampa na ‘yan sa Roxas Boulevard, ‘yung mga basura,” ani Antiporda.
Pagdidiin pa ni Antiporda, hindi na bago ang proyekto ng ahensya, kaya’t nagtataka aniya siya kung bakit may ilang mga kumukwestyon rito.
Hindi ko alam kung anong pinag-iiyak nitong mga nagrereklamong ito at anu-ano ang mga pinagsasabi, ikino-konekta pa sa pandemic. Walang kinalaman sa pandemya itong ginagawang proyektong ito, dahil itong proyekto na ‘to ay last year pa. Hindi naman ito nangyari ngayong pandemya lang,” ani Antiporda.
Samantala, iginiit din ni Undersecretary Benny Antiporda, hindi pupwedeng itigil ang nasimulan nang proyektong paglalagay ng white sand sa Manila Bay dahil responsable itong maisakatuparan ang kanilang mga proyekto.
Hindi po maaaring itigil ito dahil meron po akong mandamus, ipinag-utos ng Korte Suprema na tapusin kaagad ito at gawin kung ano ang maganda para sa Manila Bay,” ani Antiporda. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas