Posibleng alisin na ng pamahalaan ang ipinatutupad na ban sa pagpapadala ng mga Filipino health care workers sa ibang bansa.
Ito ang inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III, bagama’t maaaring partial deployment lamang aniya ang payagan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Aabot aniya sa 1,200 mga health care workers ang maaari nang makapagtrabaho sa ibang bansa oras na alisin na ang deployment ban, kabilang na ang mga newly hire.
Umaasa naman si Bello na aaprubahan ng IATF at ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na payagan nang makaalis para magtrabaho sa ibang bansa ang mga health care workers.
Pagtitiyak ng kalihim, wala aniya itong magiging epekto sa kasalukuyang suplay ng mga medical professionals sa bansa sa gitna na rin ng pandemiya.