Magdaragdag na ng mga pasaherong maaaring isakay ang pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT) line 3 sa mga tren nito simula sa Lunes, Setyembre 14.
Ito’y matapos aprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang panukalang itaas ang rider capacity ng mga pampublikong sasakyan sa pamamagitan ng pagbaba ng sukat ng distansya sa pagitan ng mga pasahero
Ayon kay MRT 3 Director for Operations Engr. Mike Capati, sa isang train set aniya ay papayagan na itong makapagsakay ng 204 na pasahero o katumbas ng 68 pasahero sa kada bagon.
Mula aniya ito sa dating 153 pasahero na pinapayagang makasakay sa isang train set o katumbas ng 51 kada bagon.
Dahil dito, sinabi ni Capati na bagama’t tataas na ang passenger capacity ng mga tren ay patuloy pa rin ang mahigpit nilang pagpapatupad ng health and safety protocols.