Inilatag ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang ‘3-point strategy’ na tutugon sa iba’t-ibang isyu sa bansa maging sa kanilang hanay.
Ayon sa tagapagsalita ng PNP na si Police Colonel Ysmael Yu, ipatutupad ng bagong hepe ng PNP na si Police General Camilo Pancratius Cascolan ang estratehiya nito na tututok sa kampanya kontra iligal na droga, internal cleansing o paglilinis ng kanilang hanay, at pagsisiguro sa seguridad ng publiko tuluyan nang masugpo ang banta ng COVID-19.
Pagdidiin pa ni Yu, sisiguraduhin din aniya ni PNP Chief Cascolan na mararamdaman ng publiko at ng kanyang tauhan sa PNP ang mga ipatutupad na estratehiya.
Samantala, iginiit din ng tagapagsalita ng PNP na si Police Colonel Yu, na ipagpapatuloy ni PNP Chief Cascolan ang Patrol Plan 2030 o peace and order agenda for transformation and upholding of the rule of law.
Layon ng Patrol Plan 2030, na pag-ibayuhin ang pagtutulungan ng publiko at kapulisan para makamit ang ligtas na pamumuhay, pagtatrabaho at pagsasagawa ng negosyo.