Maituturing umanong pandaraya ang pangit na serbisyong ibinibigay ng mga internet service provider sa publiko.
Ito ang iginiit ni House Assistant Majority Leader at ACT-CIS Representative Niña Taduran kasunod ng dumaraming bilang ng mga nagrereklamo dahil sa mabagal nilang internet connection.
Ayon kay Taduran, bukod sa pandaraya ay maling patalastas ang ipinalalabas ng mga internet provider dahil sa kabiguan ng mga ito na maibigay sa kanilang mga customer ang tamang serbisyo.
Dagdag pa ni Taduran, napakahalaga sa panahon ngayon ng internet connectivity dahil sa karamihan ng transaksyon ngayon ay ginagawa na online upang makapag-ingat sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Dahil dito, nanawagan ang mambabatas sa National Telecommunications Commission, Department of Information and Communications Technology at Department of Trade and Industry na aksyunan ang napakaling pagkukulang na ito ng mga internet service provider.