Binalaan ni Senate President Vicente Sotto III ang mga opisyal ng gobyerno na gumagamit ng marked police vehicle bilang security escort para sa personal pakay.
Ito’y matapos ihayag sa Twitter ni Senador JV Ejercito ang kaniyang pagkadismaya nang makakita ng isang opisyal ng gobyerno na may kasamang dalawang motorcycle escorts, back up at marked police vehicle na magtutungo lang naman sa gym at mag-aalmusal.
Sumagot naman dito si Sotto at sinabing ipaalam ang pagkakakilanlan ng opisyal na ito at kaniyang sasapulin sa General Appropriations Act deliberations.
Iginiit naman ni Ejercito na marami pa ring ibang nasa posisyon ang gumagawa ng istilo ng naturang opisyal.
Sa ilalim ng Philippine National Police memorandum circular na inilabas noong 2017, maaari lamang gumamit ng marked police vehicles at motorcycle security escorts ang pangulo, vice president, senate president, speaker of the House Representatives, chief justice of the Supreme Court at iba pang otorisadong opisyal ng gobyerno at foreign delegates tuwing mayroong national event.