Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyong humihiling dito na puwersahin ang gobyerno na magsagawa ng pro-active mass testing para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), epektibong contact tracing at isolation at maging treatment ng positive cases.
Ayon sa high tribunal, bigo ang mga petitioner na makumbinsi ang pinakamataas na korte para utusan ang gobyerno na magsagawa ng mass testing at maipakitang entitled sila sa tinatawag na extraordinary writ of mandamus.
Sinabi ng Korte Suprema na hindi ginawa ng mga petitioner ang lahat ng administrative remedies tulad nang pagtungo sa mga ahensya ng gobyerno bago dumulog sa high tribunal.
Iginigiit ng mga petitioner na kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor tulad ng medical frontliners at public utility vehicles drivers na ang kawalan ng epektibong mass testing ay paglabag sa kanilang right to health.
Nalungkot naman ang National Union of People’s Lawyers, kumakatawan sa petitioners sa naging desisyon ng Korte Suprema na umaasa silang magtutulak sa gobyerno na gawin ang tungkulin nila para protektahan at igalang ang karapatan ng tao sa health and information.