Sang-ayon si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa panukalang batas na fire protection modernization na layong palakasin ang kakayanan ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Ani Senador Go, napapanahon na para ayusin at i-modernize ang BFP para maging maayos ang pagtugon ng pamahalaan laban sa iba’t-ibang maaaring mangyaring sakuna.
Kasabay nito, pinapurihan ni Go ang kapwa senador na si Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na chair ng Committee on Public Order hinggil sa pagbibigay ng pansin at prayoridad sa naturang panukala.
Mababatid na sa ilalim ng Fire Protection Modernization Bill, ang pamunuan ng BFP ang mangunguna sa pagpapatupad ng pagsasaayos at pagpapabuti ng kanilang hanay.
Kabilang sa naturang panukalang batas ang pagkuha pa ng mga karagdagang tauhan at pagsasanay sa mga ito, pati na ang pagbili sa makabagong kagamitan ng BFP.
Samantala, oras na maging batas ang naturang panukala, magbibigay daan ito sa pagsasagawa ng buwanang kampanya sa fire prevention at information drive sa iba’t-ibang lugar sa bansa.