Inihayag ng grupo ng Concerned Doctors and Citizens of the Philippines ang kanilang nakatakdang pakikipagpulong sa Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Disease (IATF).
Ayon kay dating Health Sec. Dr. Jaime Galvez-Tan, kanilang pag-uusapan kasama ang IATF ang tungkol sa panukala ng kanilang grupo na tapusin na ang pagpapatupad ng mga lockdown sa buong bansa.
Iginiit ni Tan na mas makabubuti kung magpo-pokus na lamang ang gobyerno sa mga “health promotion” sa mga komunidad para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa halip na magpatupad ng lockdown na lubos na nakakaapekto sa kabuhayan ng maraming Pinoy.
Dagdag pa ni Tan, ang kanilang payo ay pairalin ang “community-based health promotion” ng sabay-sabay sa lahat ng komunidad sa buong bansa upang mas maging epektibo ito.
Ang nangyayari kasi ngayon aniya, kahit may lockdown ay patuloy pa ring dumarami ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa kasabay rin ng pagtaas ng bilang ng mga nagugutom, walang trabaho o hindi pa makabalik sa kanilang trabaho.