Magsasagawa ng talumpati sa United Nations sa kauna-unahang pagkakataon ang Pangulong Rodrigo Duterte simula nang manungkulan siya noong 2016.
Ayon kay Presidential Protocol Robert Borje, sa susunod na linggo itinakda ang pahayag ng pangulo hinggil sa paninindigan ng Pilipinas para sa general debate ng UN General Assembly na nagsimula ng 75th Session nito noong isang linggo.
Ang pangulo ay una nang kinatawan sa nasabing event ng foreign secretaries ng bansa mula 2016 hanggang 2019.
Ang event ay gagawing virtual o online para makaiwas sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Inaasahang makikiisa ang iba pang world leaders sa general debate na nakatuon sa pandaigdigang pagkakaisa para tugunan ang pandemya.
Magsasalita rin ang pangulo hinggil sa usapin ng US China tensions sa South China Sea na ang bahagi ay kini-claim ng Pilipinas.