Hindi pa hinog para sa modified general community quarantine (MGCQ) ang Metro Manila.
Ayon ito kay Dr. Antonio Dans, convenor ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19, dahil hindi sapat na dahilan ang pagbubukas ng ekonomiya para luwagan ang quarantine restrictions sa kalakhang Maynila.
Tila sumuko na aniya ang gobyerno sa laban kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) kung ikakatuwiran na hindi na kaya ng ekonomiya dahil aanhin pa ng kabuhayan kung wala na ang buhay.
Sinabi ni Dans na hindi ekonomiya ang kuwestyon sa usapin kundi ang kapasidad ng gobyerno na tugunan ang pandemya.
Inihayag pa ni Dans na malaking factor sa paglaban sa pandemya ang internet connection dahil malaking bagay ang mga pinakahuling data na dapat malaman kung saan halos tatlong linggo ang inabot bago makumpleto ang bilang ng mga nasawi dahil manual ang data transmission.
Una nang inihayag ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na maaari nang isailalim sa MGCQ ang Metro Manila matapos ang ika-30 ng Setyembre para makapagbukas na ang mas maraming sektor ng ekonomiya.