Tinawag na bantay salakay ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) na sinasabing tumanggap ng suhol mula sa taga Bureau of Immigration na sangkot sa tinaguriang pastillas scam.
Ayon kay Drilon, karapatdapat lang na ma-disbar o patanggalan ng lisensya bilang abogado si Atty. Joshua Capiral ng legal division ng NBI.
Ipinunto ng senador na sila sana ang nag iimbestiga sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno ngunit maging sila pala ay kurap din mismo.
Bagama’t sa tingin umano niya ay isolated case ito, suportado ng senador ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Senado oras na lumitaw na talamak ang suhulan sa naturang ahensya.
Nahuli si Capiral sa isang entrapment operation dahil sa umano’y pagtanggap nito ng suhol kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso sa ilang taga Immigration. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)