Nakasilip ng peligro ang PHILVOLCS sa mismong area kung saan itatayo ang Bulacan International Airport.
Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum ,malambot ang lupa at madalas binabaha ang Barangay Taliptip sa bayan ng Bulakan kung saan itatayo ang P736 bilyong airport project.
Sa kanyang pagharap sa pagdinig ng senado kaugnay sa airport franchise sinabi ni solidum na ang pagtatayuan ng airport ay pangunahing nababalot ng buhangin at napakababaw ng water table.
Ang river environment aniyang ito ay nangangailangan ng special engineering interventions upang maging matatag ang mga gusali at imprastruktura sa mga panganib na dulot ng lindol o malakas na pag ulan.
Binigyang diin ni Solidum na para matuloy ang proyketo,kailangan nito ng Disaster Risk Reduction at business continuity protocols kasama ng konstruksyon nang angkop na drainage system.
Gayunman nilinaw ni Solidum na ang nasabing airport project ay wala naman sa loob ng valley fault system na dumadaloy sa malaking bahagi ng Luzon landmass.
Samantala, tiniyak naman ng San Miguel Corporation na siyang nangangasiwa sa nasabing airport project na sinosolusyunan na nila ang mga concerns ng PHIVOLCS.
Sa katunayan, ipinabatid ni Melissa Encanto-Tagarda, pinuno ng government relations unit ng SMC ay mayroon silang foreign partners na expert sa airport construction at safety designs.