Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na malaki ang naging ambag ng pagsasabatas ng anti-terrorist law para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Pilipinas.
Ito’y harap na rin ng banta ng US Congress na suspendihin muna ang mga ibinibigay na tulong pangseguridad nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP dahil umano sa mga paglabag sa karapatang pantao.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Ysmael Yu, bagama’t nais nilang dumistansya sa nasabing usapin, iginiit nito na ang mga natatanggap nilang tulong ay malugod naman nilang tinatanggap bilang bahagi ng pakikiisa ng Pilipinas sa iba’t-ibang bansa sa mundo.
Kahit nito lamang aniya nagpasa ng batas ang Pilipinas ng laban sa terrorismo, sinabi ni Yu na malaking tulong pa rin ito para maibsan ang takot at pag-aalala ng mga Pilipino.
Kabilang na riyan aniya ang malagim na pag-atake sa New York noong September 11 2001, ang pag-atake sa London noong July 7, 2015, Rizal Day bombing noong 2000 at ang Marawi Siege noong 2017.